Nagpakawala ng 30 points si Kawhi Leonard upang pamunuan ang pagbawi ng Toronto Raptors sa Golden State Warriors sa Game 3 ng NBA Finals, 123-109.
Tinupad din ni Kyle Lowry ang kanyang pangakong magiging mas agresibo ito nang umiskor ng 23 points para sa Raptors, kabilang na ang binitawan nitong limang 3-pointers.
May tig-18 points naman sina Pascal Siakam, at Danny Green na nag-init din ang kamay makaraang magpasabog ng anim na tres.
Sinamantala ng Toronto ang pagkawala sa laro ng ilan sa mga star players ng Warriors kung saan humabol pa rito si Klay Thompson.
Ginawa ni coach Steve Kerr ang last minute decision bago magsimula ang tipoff ng laro sa kanilang homecourt sa Oracle Arena.
Sumandal ang two-time defending champions kay Stephen Curry na nasayang ang inilistang 47 points.
Bukod kay Draymond Green na tumabo ng 17 points, si Andre Iguodala ang isa pang player ng Warriors na nagtala ng double digits matapos na humugot ng 11 points.
Bagama’t talo ngayong Game 3 at inaabangan pa kung magkakaroon ng reinforcements sa Game 4, sinabi ni Kerr na asahan umanong sasali na si Kevin Durant sa isang scrimmage kasama ang team sa practice facility ng Warriors bukas.
Una nang sinabi ni Kerr na posibleng payagan nang makapaglaro si Durant sakaling maging maayos ang resulta ng paglahok nito sa practice ng team.
Samantala, ilang mga bigating celebrities din ang nanood ngayong Game 3 sa Oracle Arena.
Kabilang sa mga ito ang mag-asawang sina Beyonce at Jay-Z, na kamakailan lamang ay itinanghal na unang billionaire rapper ng Forbes magazine.
Muling idaraos ang Game 4 sa sa Oracle Arena sa araw ng Sabado (Manila time).