Pare-parehong nakabuwena mano nang panalo ang mga top teams sa unang araw ngayon sa pagsisimula ng first round ng NBA playoffs sa loob ng Walt Disney World Resort sa Florida.
Ang defending champion na Toronto Raptors ay tinambakan ang Brooklyn Nets, 134-110.
Nanguna sa opensa ng Raptors si Fred Vanfleet na may 30 big points at 11 assists.
Mistulang nalito ang Nets kung ano ang isasagot sa pag-ulan ng three-point shots mula sa karibal na team.
Buwenas ng husto si VanVleet na nagawang maipasok ang walo sa 10 pagtatangka sa 3-point areas.
Ang pag-init ng Raptors ay nagdulot ng 22 three points mula sa 44 na tira.
Si Serge Ibaka naman ay nagtapos sa 22 points mula sa bench, habang sina Pascal Siakam ay nagdagdag ng rebounds, Kyle Lowry may 16 points, seven rebounds, six assists at Marc Gasol ay nagpakitang gilas din sa 13 na puntos.
Kung maalala 10 mga players ang nagbabalik ngayon sa Toronto sa Eastern Conference playoffs mula sa championship team noong nakaraang taon.
Samantala, hindi rin naman nagpahuli ang Boston Celtics nang idispatsa ang Philadelphia Sixers, 109-101.
Sumandal ang Celtics sa career high playoffs points ni Jayson Tatum na may 32 points at 13 rebounds.
Malaking ayuda rin ang ginawa ni Jaylen Brown nang magbuslo ng kabuuang 19 points kabilang na ang 15 sa fourth quarter.
Ito ay sa kabila nang atake ni Joel Embiid upang bigyan ang Sixers ng 26 points at 16 rebounds.
Bilis at malapader na depensa ang inilatag ng Celtics hanggang sa mapuwersa sa 18 turnovers ang Philadelphia.
Hindi tinantanan ni Brown ang pag-atake sa harap ng dating teammate na si Al Horford hanggang sa huling sandali na nagbigay daan pa sa 6-0 run.
Ang Los Angeles Clippers ay nakauna rin ng panalo nang pahiyain ang Dallas Mavericks, 118-110.
Ang dating Finals MVP na si Kawhi Leonard ay nagtala ng double double sa pamamagitan ng 29 points at 12 rebounds.
Tumulong naman si Paul George sa kanyang 27 points at Marcus Morris na may 19.
Nagawang malusutan ng Clippers ang Mavs sa kabila ng record-setting debut ni Luka Doncic na kumamada ng 42 points.
Minalas pa ang Dallas nang ma-eject sa game si Kristaps Porzingis sa third quarter nang patawan nang ikalawang technical foul.
Nawala sa game si Porzingis na nag-iwan ng 14 points.
Ang Game 2 ay sa best-of-seven series ay gagawin sa Huwebes.
Una rito kaninang madaling araw, nauwi sa overtime game ang panalo ng Denver Nuggets laban sa Utah Jazz matapos mag-survive sila sa walang humpay na 57 points na pinakawalan ni Donovan Mitchell.
Pinangunahan ni Jamal Murray ang Nuggets na nakapagtala ng 36 points at nine assists habang mayroong 29 points at 10 rebounds naman si Nikola Jokic.
Naging susi rin si Mitchell para maitabla ng Jazz ang laro sa 115 hanggang sa umabot sa overtime.
Pero nasayang ang big game ni Mitchell, gayundin ang 18 points ni Filipino American player Jordan Clarkson.