Liyamado na ngayon sa mga pustahan sa Amerika ang Toronto Raptors na masungkit ang kanilang kauna-unahang NBA championship matapos kunin ang 3-1 lead kontra sa Golden State Warriors.
Naglipatan ng bakod ang mga sugarol matapos na mabigo ang Warriors sa Game 4, kung saan nagtapos ang laban sa iskor na 105-92.
Dahil sa mayroon nang dalawang road wins ang Toronto sa serye, kinakailangan na lamang ng Raptors na makakuha ng isang panalo sa sunod na tatlong laro, kabilang na ang dalawang tsansa sa kanilang bahay.
Ayon sa online bookmaker na PointsBet, inilista nito ang Raptors na -715 favorites na magwagi sa serye, habang may -700 naman ang BetStars at FanDuel, at -590 naman sa SugarHouse.
Kaugnay nito, nahigitan na rin ni Kawhi Leonard si Stephen Curry para sa inaasahang magbubulsa ng MVP honors.
Mayroong -715 ang PointsBet kay Leonard, habang nalaglag naman sa +500 si Curry.
Itinala naman ng FanDuel si Leonard sa -650 at si Curry sa +450, samantalang ang SugarHouse ay may -500/+500 para sa dalawang players.