-- Advertisements --
D8 mfQQVUAA9bky
Photo courtesy of Toronto Raptors

Umukit ngayon ng kasaysayan ang Toronto Raptors matapos nilang hablutin ang una nilang NBA title nang payukuin nila ang two-time defending champion na Golden State Warriors sa Game 6 ng championship series, 114-110.

Ito na ang unang kampeonato ng Raptors makaraang itatag ang kanilang franchise noong 1995 o 24 taon na ang nakalilipas.

Nagsanib-puwersa para sa Toronto sina Pascal Siakam na umiskor ng 26 points at 10 rebounds, at si Kyle Lowry na pumoste ng 26 points, at 10 assists.

Hindi rin nagpahuli ang itinanghal na 2019 NBA Finals MVP na si Kawhi Leonard na tumabo ng 22 points.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na nakuha ni Leonard ang Bill Russell Trophy, na una niyang nakuha noong 2014 sa ilalim ng San Antonio Spurs.

Maging ang itinuturing na Sixth Man ng Toronto na si Fred VanVleet ay hindi rin nagpapigil na nagtapos na may 22 points sa 34 minuto mula sa bench.

Sinamantala ng Raptors ang pagkapilay pa lalo ng Golden State dahil sa pag-alis ni Klay Thompson, na hindi na nakabalik sa laro nang dumanas ito ng left knee injury noong third quarter.

Naging gitgitan at makapigil-hininga rin ang sagupaan ng Warriors at Raptors, kung saan nakapagtala ng 14 pagpapalit-palit ng abanse sa loob lamang ng first half.

Ngunit pumukol ng tres si VanVleet sa nalalabing 3:44 upang hindi na lumingon pa ang Toronto, at maiuwi ang makasaysayan nilang tagumpay.

Kahit naman hindi na nakabalik si Thompson sa fourth quarter, nanguna pa rin ito sa Warriors na kumubra ng 30 points sa loob ng 32 minuto.