Kumolekta ng nakabibilib na 21 points at 10 assists si Fred VanVleet upang bumida sa 109-99 paggupo ng Toronto Raptors kontra sa Orlando Magic.
Umasiste si Pascal Siakam na nag-ambag ng 15 points at Kyle Lowry na nagtapos na may walong puntos, siyam na rebounds at 10 assists.
Bunsod nito, wagi ang Toronto sa huli nilang pitong laro kung saan apat noon pang bago ang suspension at tatlong sunod na games mula nang restart.
Samantala, posibleng mawala muna sa Magic si Aaron Gordon nang umalis ito sa laro sa third quarter makaraang magtano ng injury sa kaliwang hamstring matapos ma-hard foul ni Lowry.
Kapwa namang naglista ng 15 points sina Evan Fournier at Terrence Ross para sa Orlando.
Sa kabila ng pag-alis ni Gordon, natapyasan ng Magic ang 20-point halftime lead ng Raptors sa 78-71 sa unang minuto ng final canto.
Ngunit dahil sa ipinamalas na opensa at depensa ng defending NBA champions, hindi na naipilit pa ng Orlando na makalapit sa Toronto.