Naduplika ng Toronto Raptors ang kanilang team record na 11 straight win matapos ang 129-102 pagdispatsa nila sa Chicago Bulls.
Humugot ng career-high na 31 points si Terence Davis mula sa bench upang pamunuan ang NBA defending champions.
Ipinasok ni Davis ang 12 sa kanyang 15 field goal attempts, kasama na ang anim sa pitong pagtatangka sa 3-point range.
“The ball was going in, so I kept shooting,” wika ni Davis.
Hindi rin nagpahuli sina Pascal Siakam na pumoste ng 17 points, Serge Ibaka na may 16, Chris Boucher 15 at Kyle Lowry 14.
Tangan ng Chicago ang 63-60 abanse sa halftime, ngunit naagaw ng Toronto ang kalamangan tampok ang 17-4 bomba sa unang limang minuto ng third quarter.
Namayani naman sa Bulls si Thaddeus Young na kumamada muna ng 21 points bago ma-foul out, habang may 18 marka si Zach LaVine.
Sa Biyernes, makakasagupa ng Bulls ang New Orleans, samantalang haharapin ng Raptors ang Indiana sa Huwebes.