-- Advertisements --
kyle lowry Raptors
Toronto’s Kyle Lowry (@Raptors)

Nangailangan ang NBA defending champion Toronto Raptors ng double overtime bago tuluyang makawala sa makapigil hininga na Game 6.

Dahil dito nagkaroon pa rin ng pag-asa ang Raptors na makausad sa Eastern Conference finals nang mamayani sa dalawang overtime sa score na 125-122.

Muling umeksena sa game si OG Anunoby na naging bayani sa Game 3 sa pamamagitan ng buzzer-beater na 3-points nang maipasok muli ang 3-points sa huling minuto sa double overtime.

Swerte rin na naipasok ni Kyle Lowry ang kanyang acrobatic jumper na may 11.7 segundo ang nalalabi.

Nagtapos si Lowry sa 33 points sa loob ng 53 minuto na paglalaro.

Malaking tulong din sa diskarte ng Toronto si Norman Powell na may kabuuang 23 puntos kabilang na ang three points play na dinagdagan pa ng dalawang free throws sa nalalabing 39 seconds.

Si Anunoby naman ay nagpakita ng 13 points at 13 rebounds.

Habang si Fred VanVleet ay tumipon ng 21 points.

Sa panig ng Celtics nasayang ang doble kayod na ginawa ni Jayson Tatum na nagpasok ng 29 points, 14 rebounds at nine assists.

Tumulong din si Marcus Smart sa kanyang 23 points, 11 rebounds at 10 assists.

Nagmuntikan pang pumasok ang 3-pointer ni Smart na nagsilbi sanang pangtabla, samantalang may tatlong segundo na nalalabi sa ikalawang overtime.

Todo papuri naman si Boston head coach Brad Stevens sa pagbibigay pugay sa magandang laro na ipinakita ng dalawang koponan na halatang pagod na bunsod nang napakahabang game.

“Great basketball game,” ani Stevens.

Ang do-or-die game ay gagawin sa Sabado.

Ang mananalo ay uusad sa finals at haharapin ang nag-aantay na Miami Heat.