-- Advertisements --

Ibinangon ni Kyle Lowry mula sa pagkakalugmok sa 30-point deficit ang Toronto Raptors upang itumba ang Dallas Mavericks, 110-107.

Bumuslo si Lowry ng 32 points at 10 assists, maging si Chris Boucher na umiskor ng career-high na 21 points upang alalayan ang Raptors sa final canto at mabaligtad ang laro.

Batay sa datos, ito na ang pinakamalaking comeback sa kasaysayan ng Raptors, at unang 30-point comeback ng NBA mula nang talunin ng Sacramento ang Chicago noong Disyembre 21, 2009.

“I’ve never seen anything like it,” reaksyon ni coach Nick Nurse sa malahalimaw na performance ni Lowry.

Maging ang iba pang mga players sa magkabilang panig ay mistulang gulantang din sa pangyayari.

“I’m definitely going to go watch the game again, just to see how exciting this game was and how the fans helped us so much,” ani Boucher.

“Tonight was a weird game, honestly,” wika ni Dallas forward Kristaps Porzingis. “I still can’t process what happened.”

Hindi rin nagpahuli sina Rondae Hollis-Jefferson na tumabo ng 18 points, at Fred ValVleet na may 10 para ihatid din sa Toronto ang kanilang ikalimang sunod na panalo, at tuldukan ang seven-game road winning streak ng Mavericks.

Sa panig naman ng Dallas, nagrehistro ng 19 points at 12 rebounds si Porzingis, habang may 21 points naman si Jalen Brunson.

Hindi pa rin nakapaglaro si guard Luka Doncic sa ikaapat na pagkakataon dahil sa sprain sa kanang bukong-bukong.

Sunod na makakasagupa ng Mavericks ang San Antonio Spurs sa Biyernes, samantalang bibisita naman sa Indiana ang Raptors sa Martes.