-- Advertisements --

Nakatikim na ng panalo ang Toronto Raptors sa kanilang Eastern Conference semifinals series matapos nilang biguin ang Boston Celtics, 104-103.

Nagpakawala ng 3-pointer si OG Anunoby sa pagtunog ng buzzer upang maitala ng reigning champions ang malahimala nilang panalo.

Humataw si Kyle Lowry ng 31 big points kasama na ang walong assists para pamunuan ang Raptors.

“We scrapped and clawed and fought,” wika ni Lowry. “We never quit.”

Sa panig ng Boston, nanguna si Kemba Walker na umiskor ng 29 points, na dinagdagan ni Jaylen Brown ng 19 points at 12 rebounds.

Sa kabila nito, nananatiling nasa kamay ng Celtics ang abanse hawak ang 2-1 lead kontra sa Toronto.

Lamang pa ang Raptors 95-91 pero naghulog ng 8-0 bomba ang Celtics upang maagaw ang kalamangan 99-95 tampok ang dunk ni Brown.

Naitabla ng Toronto ang iskor sa 101, nabasag naman ito ng Boston nang magsalpak ng dunk si Daniel Theis para ibigay sa Celtics ang dalawang puntos na abanse.