-- Advertisements --

Nangailangan ang Toronto Raptors ng double overtime bago tuluyang maigupo sa Game 3 ang Milwaukee Bucks, 118-112.

Sumandal ang Raptors sa all around game ni Kawhi Leonard para ilapit ang serye sa 2-1.

Sa Miyerkules tatangkain ng Raptors na itabla ang Eastern Conference finals sa tig-dalawang panalo dahil sa teritoryo pa rin nila ito gaganapin.

Nagpasok ng 36 points si Leonard, nine rebounds at five assists sa kabila na meron siyang iniinda na sakit sa paa.

Halos perfect sa free throw line si Kawhi.

“I’m feeling all right. This is playoff basketball,” ani Leonard matapos ang game. “Everybody’s hurting so I’ve just got to keep fighting.”

Malaking bagay ang panalo ng Toronto dahil sa fourth quarter ay na-foul out sina Kyle Lowry at Normal Powel.

Kumayod tuloy ng husto si Pascal Siakam nang magpakita ng 25 points at 11 rebounds.

Nagawa ring malimitahan ng Raptors si Giannis Antetokounmpo sa 12 points lamang dahil sa malapader na depensa na kanilang inilatag.

Dahil dito, bumawi si Giannis sa rebounds department nang kumuha ng 23 sa kabuuan.

Pero na-foul out si Giannis na may mahigit apat na minuto pa ang nalalabi sa second overtime.

Umeksena naman sa Bucks sina George Hill na may 24 points at si Malcolm Brogdon na nag-ambak 20 pero bigong maiangat ang team.

bucks giannis Antetokounmpo
Bucks Giannis Antetokounmpo (photo from @Bucks)

Ito ang unang talo ng Bucks sa lima nilang huling road games ngayong postseason.

Ang Milwaukee kasi ay hawak ang 10-2 overall sa record sa playoffs.

Kapansin pansin na nadagdag sa kamalasan ng Milwaukee ang anim nilang mga turnovers sa first quarter na nagbigay daan ng 10 puntos para sa kalabang Raptors.