Kumalawit ng 16 points at 11 assists si Kyle Lowry upang pangunahan ang Toronto Raptors sa makasaysayang 127-81 panalo kontra Indiana Pacers.
Itinuturing kasi ang tagumpay na ito ng Raptors bilang “most lopsided victory” sa kasaysayan ng franchise.
Umpisa pa lamang ng laban ay hindi na nilingon ng Toronto ang kalaban kung saan umabot pa hanggang 49 puntos ang kanilang abanse, na pinakamalaki ngayong season.
Hindi rin nagpapigil sina Pascal Siakam na bumuslo ng 21 points, at si Serge Ibaka na tumabo ng 15 points at season-high na 15 rebounds para sa defending champions.
Dahil sa panalong ito, ipinoste ng Toronto ang kanilang ika-13 sunod na home win kontra sa Indiana, at napalawig din nila sa siyam ang kanilang home winning streak.
Sumandal naman ang Pacers kay Domantas Sabonis na tumipa ng 14 points at 11 rebounds, umiskor si Aaron Holiday ng 14, at Justin Holiday na may 12.
Hindi na nagawang makabangon pa ng Pacers mula sa palyado nilang first quarter, dahilan para makatikim sila ng pagkatalo sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong laro.
Sa araw ng Miyerkules, makakaharap ng Pacers ang Charlotte, habang hahamunin naman ng Raptors ang Milwaukee.