-- Advertisements --
Toronto Raptors champion

TORONTO — Napasakamay na ng Toronto Raptors ang pinakamalaking championship rings sa kasaysayan ng NBA.

Sa isang seremonya bago ang kanilang season opener kontra New Orleans Pelicans, iniladlad din ng Raptors ang isang banner kaugnay sa kanilang makasaysayang panalo kontra sa Golden State Warriors noong Hunyo.

Dinaluhan din ni NBA Commissioner Adam Silver ang okasyon upang parangalan ang Toronto.

Tampok sa bawat singsing ang mahigit sa 650 diyamante, maging ang 16 ruby na kumakatawan sa bilang ng mga players sa championship roster.

Sa harap ng singsing, makikita ang skyline ng Toronto, Scotiabank Arena pati na rin ang chevron logo ng koponan.

Ang 74 diyamante sa loob at palibot ng Toronto skyline ay kumakatawan sa bilang ng panalo ng Toronto sa regular season at sa playoffs.

Nang maipamigay ang mga singsing, nagpasalamat naman si five-time All-Star guard Kyle Lowry sa mga tagahanga sa kanilang suporta.

Matapos nito, nagtipon-tipon si Lowry at ang kanyang mga teammates para pangunahan ang countdown sa paglalantad ng kanilang championship banner na nakasabit sa ibabaw ng home bench.

Maalalang nawala sa poder ng Raptors si NBA Finals MVP Kawhi Leonard na lumipat sa Los Angeles Clippers noong free agency.