Nagpamalas ng matinding depensa ang Toronto Raptors upang mapalawig pa sa apat ang kanilang playoff winning streak at makasungkit ng puwesto sa second round ng NBA playoffs.
Tumabo ng 27 points si Kawhi Leonard, at dinagdagan ni Pascal Siakam ng 24 upang ilampaso ng Raptors ang Orlando Magic, 115-96, upang tuldukan nila ang kanilang first-round playoff series sa limang laro.
Umalalay din si Kyle Lowry na pumoste ng 14 points para sa Toronto, na iginupo nang walang kahirap-hirap ang Magic.
Umabot rin sa hanggang 37 ang abante ng Raptors, na kanilang pinakamalaking agwat na naitala sa isang playoff game.
Nakatakdang makipagtuos ang Toronto sa Philadelphia sa sunod na round makaraang ilaglag ng 76ers ang Brooklyn Nets ngayong araw.
Ito na rin ang ikaapat na sunod na taon na nakatungtong sa second round ang Raptors.
Samantala, hindi nagbunga ang 15 points ni D.J. Augustin, 12 ni Terrence Ross, at Aaron Gordon 11 para sa Orlando.
“We were never able, after Game 1, to handle the ball against their defense the way we needed to,” wika ni Orlando coach Steve Clifford. “To me, that was the biggest factor.”
Nakalihka lamang ng 32 of 83 shots ang Orlando, kabilang na ang malamyang 9 of 34 mula sa downtown.