LEGAZPI CITY – Hinangaan ng ilang netizen ang alkalde ng bayan ng Rapu-Rapu, Albay.
Ito’y matapos mai-post ng isang social media user ang ginawang pagpapa-harvest sa mga isda sa pag-aaring fishpond upang maipamahagi sa mga nasasakupan sa gita ng pinaiiral na home quarantine.
Ayon kay Mayor Ronald Galicia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ginawa niya ito lalo pa’t halos hindi nakakapalaot ang mga mangingisda sa bayan na siyang pangunahing kabuhayan ng karamihan sa mga residente.
Kuwento pa nito na nakaugalian na nila ang pamimigay ng naturang mga isda kahit pa walang kalamidad na nagsimula noong hindi pa siya politiko.
Dagdag ng alkalde na itinayo ang kanyang palaisdaan upang makatulong sa mga residente at hindi bilang negosyo.
Nabatid na mayroon pang ilang cage na iha-harvest para sa mga hindi pa nakakatanggap ng mga isda na una nang naipamahagi.
Samantala, nanawagan si Galicia sa mga kapwa nasa posisyon na iwasan na muna ang pamumulitika at pagbabangayan upang maibigay ang pangangailangan ng mga residente sa gitna ng banta ng Coronavirus Disease 2019 pandemic.