Tinawag ng mga political analysts na pambihira ang naging talumpati ni US President Donald Trump sa katatapos lamang na 4th of July Independence Day celebration na taliwas sa kanilang inaasahan.
Tinawag ng iba na “rare unifying speech” ang ibinigay ng kontrobersyal na lider ng Amerika na sa akala ng marami ay sasamantalahin lamang nito ang pamumulitika.
Si Trump din kasi ay hangad ang reelection bid sa 2020 presidential elections kaya naman bago pa man ang military parade ay sangkaterba na ang mga batikos dahil sa maluhong selebrasyon.
Sa kanyang talumpati na tumagal ng 20 minuto na ginawang venue ang National Mall sa harap ni Abraham Lincoln 19-foot marble, nagbigay pugay si Trump sa kasaysayan ng kanilang bansa at pagmamalaki sa military na pinakamalakas na puwersa armada sa buong mundo.
“Today, we come together as one nation with this very special Salute to America… “We celebrate our history, our people, and the heroes who proudly defend our flag — the brave men and women of the United States military,” ani Trump. “Our nation is stronger today than it ever was before, it is stronger now stronger than ever.”
Tinukoy din nito ang ilang mga accomplishments ng Estados Unidos tulad na lamang sa larangan medisina, science, space and technology, moon landing at sa hinaharap naman daw ang pagtatanim na ng American flag sa planetang Mars.
Hindi pa rin inalis ni Trump ang mistulang pagkasanay sa “pelikula” at “madrama” kung saaan habang siya ay nagsasalita ay pamin minsan ay dumaan ang ilan sa modernong air assets ng kanilang armed forces.
Kabilang na ang pagdagundong ng kapaligiran nang mag-fly by ang B-2 stealth bomber, paglipad din ng Air Force F-22 Raptors, Navy’s F-18 Super Hornets, Army Apache helicopters at fighter jets mula sa Blue Angels.
Naging bahagi rin sa okasyon ang paglipad ng presidential plane na Air Force One.
Iniulat naman ng Bombo international correspondent mula sa Washington DC na si Jian Balerite, na habang nagkakaroon ng programa sa National Mall ay sumabay din ang pag-ulan.
Hindi inalintana ng maraming tao ang sama ng panahon na kanya-kanyang dala ng mga pananggalang tulad ng mga payong at kapote.
Napakarami rin daw ng mga military personnel at DC National Guard na tumulong sa traffic control at sa seguridad.
Ayon pa sa ulat ni Balerite, kapansin pansin din daw ang bullet proof glass na inilagay sa harapan ni Trump bilang pangharang na nabasa rin sa ulan.
Iniulat din nito na bago pa man ang Independence Day speech bahagyang nagkaroon ng tensiyon sa harapan ng White House nang magsagawa ng pagsunog ng American flag ang ilang nagpoprotesta na naging dahilan tuloy na ipatupad ang locked down.
Una nang binalak sana ni Trump na magkaroon ng parada ng mga military tanks sa downtown Washington tulad ng dinaluhan niya na Bastille Day noong July 2017 sa Paris, France pero hindi na natuloy dahil sa nakakalulang gastusin.
Sa halip ginawa na lamang ang public display ng mga M1 Abrams tanks na isinakay sa mga trucks at heavy rail para hindi makasira ng kalsada.
Bago ito napaulat din na ang National Park Service ay tinaya na halos $2.5 million ang kanilang pinaluwal kaugnay sa gastusin sa paghahanda ng July 4 extravaganza.