Nais ng Senado na maratipikahan na sa darating na Disyembre 6 ang P4.5-trilyong national budget bill para sa susunod na taon.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, “ideal” ang nasabing petsa lalo pa’t batid daw nilang sasabihin daw sa kanila ng Pangulong Rodrigo Duterte na huwag muna silang magbakasyon hangga’t hindi pa naipapasa ang proposed budget.
Nitong Sabado ng umaga nang tapusin na ng mataas na kapulungan ang period of interpellation para sa panukalang pambansang pondo.
“Target namin Monday pag-usapan ang amendments; Tuesday second and third reading; November 25 print [at] kopya magtatawagan na bicam members,” wika ni Sotto patungkol sa bicameral conference committee.
“[November] 26 mag-uumpisa ang bicam… kahit holiday umaandar bicam. ‘Pag sinusuwerte suwerte baka December 6 pwede namin ma-ratify [or] 6, 7, 8 kung walang deadlock,” dagdag ni Sotto.
Sinabi ni Sotto, itutulak niya raw na taasan ang pondo ng epartment of Information and Communications Technology’s (DICT) para sa kanilang National Broadband Program lalo na’t kailangan aniya ang pagpapabuti pa ng internet services at connectivity sa bansa.
Maliban dito, dadagdagan daw ng Senado ang P18-bilyong pondo ng Department of Health para sa pagbili ng potensyal na mga bakuna laban sa COVID-19.
Positibo naman si Sotto na mapaplantsa ang mga pagkakaiba sa bersyon ng Kamara at Senado sa proposed budget sa bicam.
“Hindi naman talaga puwedeng sabihin na talagang malaki sapagkat ang pinag-uusapan lanng namin dito baka less than 20% of the entire budget kasi ang ibang budget na pinasa ng House de kahon na ‘yun, ex ample personal services, debt servicing di mo magagalaw ‘yun,” anang senador.
“‘Yung for the year na gastusin ‘yun lang ang pinag-uusapan… medyo meron malaking pagkakaiba pero ‘di naman siguro magiging problema sapagkat mapaguusapan sa bicam,” dagdag nito.