Sumadsad umano sa record low ang mga sumusubaybay sa NBA Finals sa telebisyon sa Estados Unidos dahil sa nararanasang COVID-19 pandemic.
Ayon sa ilang mga industry analysts, ang pagdausdos na ito ng ratings ng NBA Finals ay bahagi lamang ng mas malawak na trend na bunga ng nagulong sports calendar dahil sa health crisis.
Bagama’t nagpamalas ng hindi malilimutang performance sina LeBron James at Jimmy Butler sa unang apat na laro ng finals, nabigo raw ito na maakit ang karaniwan nilang TV audience sa Amerika.
Katunayan, umabot lamang sa 7.41-milyong katao lang ang nanood sa Game 1 ng finals, kumpara sa 13.4-milyong viewers sa game one ng nakalipas na taon.
Ang Game 2 ay kumalap lamang ng 6.61-milyon habang mas bumaba pa sa 5.94-milyon ang game three, na pinakamababang natala para sa isang NBA Finals game.
Sa opinyon naman ng mga kritiko ng NBA, ang pagbulusok ng ratings ng pinakasikat na basketball league sa mundo ay dahil umano sa pasya ng liga na ikampanya ang mga social justice issues sa Amerika mula nang magpatuloy muli ang season noong Hulyo.
“The NBA is engaged in a concerted effort to (1) insult their fans & (2) turn every game into a left-wing political lecture,” komento ni Republican Senator Ted Cruz sa Twitter.