-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Muling inatras sa first quarter ng 2021 o sa Marso ang nakatakda sanang pagtatapos ng construction ng Bicol International Airport sa Daraga, Albay.

Kabilang ito sa mga tinalakay sa nagdaang Bicol Regional Development Council (RDC) meeting kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Kinumpirma ni Bicol RDC Chairman at Mayor Noel Rosal sa Bombo Radyo Legazpi na hindi aabot sa dating target na ngayong buwan ng Disyembre, magiging operational na ang paliparan.

Ayon kay Rosal at batay sa ulat ng Department of Transportation (DOTr), okay na umano ang runway subalit duda pa sa passenger terminal building.

Marami rin aniya ang kumwestiyon sa bagong target partikular na si Office of the Presidential Bicol Affairs Usec. Marvel Clavecilla lalo pa’t hindi naman natigil ang construction sa paliparan kahit may COVID-19 pandemic.

Pabiro pang sinabi nito na baka abutin pa ito ng pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sakaling mabuksan at maging operational na ang P4.8-billion airport na sinimulan noong 2009, tinitingnang magdadala ito ng milyun-milyong turista sa rehiyon.