Tuloy na ang re-assignment ng nasa 2,222 na mga pulis na boluntaryong nagpalipat sa ilalim ng “localization program” ng PNP.
Pinangunahan kanina ni PNP chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan, ang send off ceremony sa Camp Crame para sa Inter-Regional reassignment ng mga tauhan patungo sa kanilang mga “hometown” o kung saan sila permanenteng residente.
Alinsunod na rin ito sa Section 63 ng RA8551 o ang PNP Reform and Reorganization act of 1998.
Virtual ang naging send off ceremony para sa unang batch.
Pinakita ang mga pulis na malilipat ng assignment sa pamamagitan ng malaking monitor sa tapat ng national headquarters.
Sa kanilang formation, binasbasan ang mga pulis at ipinagdasal para sa ligtas na pagbyahe.
Ayon kay Cascolan, “1:1 swapping” ang gagawin kung saan papalitan din ang mga ililipat na pulis ng mga pulis na nais magpa-reassign sa mga lugar na kanilang iiwanan.
Giit ni PNP chief, ginawa niya itong prayoridad, upang mapataas ang morale ng mga pulis at maging mas epektibo sa kanilang trabaho.
Naniniwala kasi si Cascolan, na ang mga pulis na nagtatrabaho sa lugar kung saan sila residente ay magkakaroon ng “sense of ownership” at mas may malasakit sa kanilang komunidad.
Taliwas ito sa paniniwala ng dating mga PNP chief na mas lalong magloloko ang mga pulis na pasaway kapag sila ay nakadestino sa kanilang mga lugar.