KORONADAL CITY – Opisyal nang nanumpa para sa pangalawang termino nito si reelected South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. kasama ang mga nanalong opisyal ng lalawigan na halos kaalyado nito.
Si Judge Gerardo Braganza ang nag-officiate sa panunumpa ni Governor Tamayo at iba pang mga opisyal ng lalawigan na ginanap sa South Cotabato Gym and Cultural Center kaninang umaga.
Kabilang sa mga bagong halal na opisyal ng lalawigan si Vice Governor-elect Arthur “Dodo” Pingoy Jr, 2nd Dirstrict Congressman Peter Miguel at 1st District Congressman Isidro “Ed” Lumayag .
Kasama din ng gobernador na nanumpa ang ama nitong si former DPWH-12 Regional Director Reynaldo Tamayo na siyang 1st nominee ng ANGAT Party list at tatayong representante matapos makakuha ng isang upuan sa Kongreso.
Sa kanyang mensahe, ipinangako ni Governor Tamayo na itutuloy nito ang mga programang kanyang nasimulan sa unang termino.
Napag-alaman na natalo nito sa nakaraang eleksiyon si outgoing 2nd District Congressman at deputy speaker for Mindanao Ferdinand Hernandez.
Isinagawa nang maaga ang panunumpa ni Tamayo at iba pang opisyal ng lalawigan dahil sa nakatakda umano itong dumalo sa inauguration ni President elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30.
Si Tamayo ang tumatayong Presidente ng Partido Federal ng Pilipinas ang partido ng president elect.