VIGAN CITY – Iginiit ng isang mambabatas na hindi umano malinaw sa kanila ang pangunahing dahilan at layunin ng nangyaring balasahan sa ilang committee chairmanship sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ito ay sa gitna ng umuugong na balita na merong nagtatangkang magpaalis sa puwesto kay House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na wala umanong sinabi sa kanilang dahilan upang mapalitan ang ilang committee chairmanship sa Kamara kagaya na lamang ng House committee on appropriations at iba pa.
Aniya, natuloy lamang umano ang nasabing re-shuffling dahil wala naman umanong komontra sa kanila.
Idinagdag pa nito na tila nabastos ang grupo nina Rep. Rosemari Arenas dahil sinapawan ito ni Batangas 2nd District Rep. Raneo Abu sa pag-take-over sa session ng Kamara kahapon.
Dahil dito, binigyang-diin ng mambabatas na kailangan umanong pag-usapan ng lahat ng miyembro ng Kamara ang nangyayari sa Kamara lalo pa’t tila lumalala na ang mga isyu na nag-ugat sa umano’y ouster plot laban kay Cayetano.