-- Advertisements --

Naging matagumpay ang isinagawang re-supply mission sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea ngayong araw.

Bandang alas-11:00 kaninang umaga nang dumating sa BRP Sierra Madre at nai-deliver ang mga supply para sa mga sundalong naka-station sa lugar.

Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source sa Armed Forces of the Philippines (AFP), walang naitalang “untoward incident” sa isinagawang re-supply mission.

Gayunman, bahagyang ginipit pa rin umano ng Chinese Coast Guard ang civilian vessel pero hindi na ito hinarang ng Chinese Coast Guard vessel.

Una rito, alas-10:00 ng umaga ay lagpas na sa Sabina Shoal ang barko na nagdadala ng supplies at papasok na ito ng Ayungin Shoal.

Nagpalipad naman ang Philippine Air Force aircraft para subaybayan ang paglalayag ng barko na may dalang mga pagkain.

Nakaalerto rin ang mga tauhan ng Phlippine Coast Guard na naka-station sa Pagasa island.

Kung maaalala nitong November 16 nang hinarang ng tatlong Chinese Coast Guard vessel ang dalawang civilian na bangka na nagdadala ng supply para sa mga sundalo.

Hindi pa nakontento ay gumamit pa ng water canon dahilan para i-abort ang misyon at bumalik ang mga ito sa Palawan.