Pormal nang inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Ready-To-Eat-Food packs (RTEF) para mas masiguro ang seguridad sa pagkain tuwing may mga kalamidad ngayong araw sa Pasay City.
Sa pangunguna ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, ibinida na ng ahensya sa publiko ang mga pagkaing parte ng RTEF na magiging kabilang na sa kanilang mga ipinamamahaging food packs sa mga nasalanta ng bagyo.
Ilan sa mga ito ay mga canned goods, mga biskwit at ilang lugaw gaya ng Champorado at Arroz Caldo.
Ang mga ito ay magsisilbing karagdagang tulong din sa mga nauna nang food packs na ipinamamahagi ng ahensya tuwing may kalamidad.
Kasama na rin ang mga ito sa mga ilalagay sa mga prepositioned food packs sa mga probinsiya at regional offices ng naturang ahensya.
Samantala, magsasagawa din ng National Convention of Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished) ang DSWD para pagsama-samahin at ibahagi ng mga stakeholders at ilang local chief executives ang kanilang mga ideya sa pagpapatayo ng local at national implementers sa bansa.