Naniniwala si Sen. Panfilo Lacson na mas magkakaroon ng balance of power sa Asia-Pacific region, kasama na ang South China Sea, ngayong pinahahalagahan ng bagong administrasyon ng Estados Unidos ang Mutual Defense Treaty nito sa Pilipinas.
Pahayag ito ni Lacson, na siyang chairman ng Senate Committee on National Defense, matapos ang naging komunikasyon sa pagitan nina US State Secretary Antony Blinken at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
“There you go. The US-PHL Mutual Defense Treaty is one yet untapped weapon in our arsenal. I certainly hope we do not draw that weapon. Meantime, we might as well keep it there,” saad ni Lacson.
Bago ito, ibinulgar ni Blinken na nagkaroon siya ng “great conversation” kay Locsin kasabay ng pagsasabing kanilang itutuloy ang matibay na alyansa ng Estados Unidos at Pilipinas.
“Secretary Blinken stressed the importance of the Mutual Defense Treaty for the security of both nations, and its clear application to armed attacks against the Philippine armed forces, public vessels, or aircraft in the Pacific, which includes the South China Sea,” saad ng US State Department.
Ayon naman kay US Department of State spokesperon Ned Price, napaka-importante ng magiging kontribusyon ng pinasiglang alyansa ng dalawang bansa sa malaya at bukas na Indo-Pacific region.
Binigyang-diin din ni Blinken ang kahalagahan ng naturang kasunduan para sa seguridad ng dalawang bansa pati na rin sa mga sektor ng tanggulan ng Pilipinas at sa mga sasakyang pandagat at himpapawid na nagagawi sa South China Sea.
Kung si Blinken din ang tatanungin, hindi tanggap ng US ang ginagawang pag-aangkin ng China sa naturang karagatan, alinsunod sa umiiral na international law batay sa mga nilalaman ng 1982 Law of the Sea Convention.
Tutulong din umano ang Amerika sa ibang claimants laban sa pangigigipit na ginagawa ng China sa mga ito.