-- Advertisements --

Nasa kamay na umano ng Commission on Elections (COMELEC) ang magiging realignment ng mga tropa sa Mindanao ngayong isinailalim sa hotspot ang buong rehiyon.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs office chief Col. Noel Detoyato, magkakaroon ng security adjustment ang militar pero ang COMELEC ang siyang magbibigay ng “go signal.”

Sinabi ni Detoyato, nasa mga ground commanders na ang discretion kung paano ang magiging deployment ng mga tropa.

Aniya, 60 percent ng puwersa ng AFP ang nasa Mindanao kaya sa ngayon wala pang pangangailangan na magdagdag.

Sa ngayon, habang naghahanda ang militar sa nalalapit na halalan ay magpapatuloy pa rin ang AFP sa kanilang misyon lalo na ang opensiba laban sa teroristang Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), New People’s Army (NPA), at iba pang mga threat groups.

Partikular dito sa mga probinsiyan ng Sulu, Central Mindanao, Basilan, Davao at Surigao.

Sa panig naman ng Philippine National Police (PNP), sinabi ni spokesperson Col. Bernard Banac na magpapatupad din sila ng kaukulang security adjustment.

Una rito, sa deklarasyon ng COMELEC, ang buong Mindanao ay classified sa tinatawag na “category red” na election hotspot.

Ito’y dahil sa election-related incidents sa nakalipas na dalawang halalan, kasabay ng seryosong banta mula sa NPA, BIFF, Abu Sayyaf Group, at “rogue elements” ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front.

Kasama rin sa category red ang Jones, Isabela; Lope de Vega, Northern Samar; at buong Abra.

Ang mga lugar na kabilang sa category red, ay maaring isailalim sa COMELEC control anumang oras at maaring atasan ang PNP at AFP na magdagdag ng puwersa sa mga lugar na ito kung kakailanganin.