-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dinakip ng mga kasapi ng Bambang Police Station ang dating miyembro ng KLG Sierra Madre-Aurora dahil sa kasong rebelyon.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Nueva Vizcaya Police Provincial Office, ang akusado ay si Reynaldo Santos o alyas Marvin Dela Pena at Ka Pong Pong, 37 anyos.

Ayon sa Bambang Police Station isinilbi nila ang warrant of arrest laban sa akusado ilang linggo pa lamang nang nagbalik loob sa pamahalaan.

Ang akusado ay nagbalik loob sa pamahalaan dahil sa naranasang gutom at kahirapan sa lugar kung saan noon namamalagi ang kanilang grupo.

Pinangunahan ng Bambang Police Station ang pagsisilbi ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Paul Atolba Jr. ng RTC Branch 30, Bambang, Nueva Vizcaya laban sa akusado sa kasong Rebelyon na walang inirekomendang piyansa.

Ang akusado ay kusa namang sumama sa mga otoridad.

Dinala na sa Bambang Police Station ang akusado para sa kaukulang disposisyon bago ipasakamay sa court of origin.