CENTRAL MINDANAO- Patay on the spot ang isang dating myembro ng New Peoples Army (NPA) sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang nasawi na si Arnulfo Cartalaba, 46 anyos,may asawa at Habal-Habal driver habang sugatan naman si Arnold Gahil,34,mga residente ng Brgy Biangan Makilala North Cotabato.
Ayon kay Makilala chief of police, Major Arniel Melocotones na habang sakay ang biktima sa kanyang motorsiklo sa bahagi ng Purok 1A , Barangay Kisante, Makilala, Cotabato ay bigla itong pinagbabaril ng apat na hindi kilalang suspek gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin lulan ng dalawang motorsiklo patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Makilala.
Nagtamo ng maraming tama ng bala si Cartalaba sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan at agad binawian ng buhay habang sugatan naman si Gahil na tinamaan ng mga ligaw na bala.
Nabatid na ang biktima ay dating NPA na nakinabang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno sa Catitipan, Buhangin, Davao City noong January 2019.
Marami ang naniniwala na posibling mga dating kasamahan ni Cartalaba ang mga suspek na pumatay nito at patuloy ngayong iniimbestigahan ng pulisya.