-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Pinaghahanap na sa ngayon ng mga otoridad ang mga suspek sa pamamaslang sa isang dating rebelde sa Barangay Luneta, Barcelona, Sorsogon.

Ayon kay Pol. Capt. Rey John Renoria, hepe ng Barcelona PNP sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, malaki ang posibilidad na mga dating kasama nito sa grupo ang bumaril sa biktima na si Romeo Hapa France.

Batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na tinambangan ang biktima sa madilim na bahagi ng lugar.

Milagro namang hindi tinamaan ng bala ang anim pang kasama nito nang mangyari ang krimen.

Nakuha naman sa pinangyarihan ng insidente ang pitong basyo ng caliber 5.56mm na baril.

Taong 2017 pa nang sumuko at magbalik-loobsa gobyerno si France sa pagnanais na makapagbagong-buhay kasama ang pamilya.

Ayon pa kay Renoria na matagal na rin aniyang tina-target ang biktima ng rebeldeng grupo.

Sa ngayon, hinihintay pa ng pulisya ang pahayag ng mga kasama ng biktima nang mangyari ang insidente para sa agarang ikalulutas ng kaso.