Nagsimula na ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang mga naging rebelasyon ni alias Bikoy o Joemel Advincula matapos nitong isumite ang kanitang extra judicial confession.
Kasama sa iimbestigahan ng pambansang pulisya ang mga personalidad na idinawit nito sa kanyang sinumpaang salaysay.
Kabilang na rito sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, isang Father Robert, Caloocan Bishop Pablo Virgilio David at dating Education Secretary Armin Luistro.
Nakasaad kasi sa sinumpaang salaysay na nakapulong ni Bikoy ang mga nabanggit na opisyal sa magkakahiwalay na pagkakataon sa mga unibersidad.
Ayon naman kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde, nasa proseso na sila ng pagberipika sa mga alegasyon ni Bikoy at patuloy ang pangangalap nila ng mga ebidensya.
Sinabi ni PNP chief na posible rin na kanilang ipatawag ang mga personalidad na idinawit ni Bikoy.
Binigyang-diin naman ni Albayalde na hindi pa rin naman sila naniniwala kay Bikoy.
Base sa sinumpaang salaysay, sa ginanap na pulong pinag-usapan umano kung paanong isasapubliko ang pagkakadawit ng pamilya Duterte sa iligal na droga para mapatalsik ang Pangulo at masiguro ang pagkatalo ng mga administration candidates.
Sa ngayon nasa protective custody na ng PNP si Advincula matapos boluntaryong isinuko ang kaniyang sarili.