Plano ng Department of Agriculture (DA) na magsagawa ng recalibration sa Masagana Rice Industry Development Program para mapalakas pa ang rice production sa bansa.
Sa ilalim ng plano, maaari umanong umabot sa 7.5 metric tons per hectare ang produksyon ng palay, gamit ang mas magandang input at teknolohiya.
Ito ay katumbas ng 150 sacks ng palay na may 50 kilos bawat isa at halos doble na sa kasalukuyang national yield na nasa 84 sacks per hectare.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tutukuyin ng ahensiya ang mga lugar na nangangailangan ng karagdagang development kasabay ng distribusyon ng mas pinagandang binhi.
Pasok din sa recalibration ang pagpapalawak ng irrigation system at adjustment sa rice cropping schedule.
Ang Masagana rice program ay ibinatay sa Masagana 99 program ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos na nakasentro noon sa produksyon ng mas kalidad na binhi, pagbuo ng cost-effective na logistics network, at mas maayos na paggamit ng mga pataba.
Sa ilalim ng Masagana Program, target ng pamahalaan na mai-angat ang palay production ng hanggang 25 million MT kada taon.
Naitala naman ang pinakamataas na produksyon ng palay sa Pilipinas noong 2023 at umabot ito sa 20.6 million metric tons.