Mataas ang posibilidad na malagdaan ang pinaplanong recriprocal access agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa Hulyo kasabay ng 2-plus-2 meeting o pagpupulong ng foreign at defense minsiters ng 2 bansa ayon kay Department of National Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr.
Sa oras na maratipikahan ang RAA, papahintulutan ang defense forces ng 2 panig para magsanay sa teritoryo ng bawat isa.
Papayagan din ang Japanese forces na makilahok sa taunang large-scale balikatan military exercise na isinasagawa ng PH at Amerika.
Ayon pa sa Defense chief, malapit ng matapos ang mga negosasyon sa naturang kasunduan nang walang mga magkasalungat na isyu.
Sinimulan aniya ang naturang negosasyon noong huling bahagi ng Nobiyembre kasunod ng naunang kasunduan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida para simulan ang naturang pag-uusap na layuning pag-ibayuhin pa ang security ties ng 2 bansa.
Kung nagkataon, magiging kauna-unahang RAA ito ng Japan sa PH at ikatlo naman matapos maging epektibo noong nakaraang taon ang kasunduan kasama ang Australia at Britain.
Samantala, inaasahang dadalo sa bilateral security meeting sa Hulyo na gaganapin sa Manila sina DND chief Teodoro, ang Japanese counterpart nito na si Minoru Kihara, Philippine Foreign Secretary Enrique Manalo, at Japanese Foreign Minister Yoko Kamikawa.