-- Advertisements --

Dinomina ni LeBron James ang second half ng laro gamit ang 23 points mula sa kabuuang 31 points sa panibagong panalo ng Los Angeles Lakers kontra sa Cleveland Cavaliers, 128-99.

Ito na ang ika-siyam na sunod na panalo ng Lakers para sa 33-7 kartada ngayong season habang nasadlak naman sa 12-28 win-loss ang Cavs.

Sinasabing ang ginawa ng powerhouse Lakers ay maituturing na highest-scoring sa second half sa loob ng 33 taon nang iposte ang 81 puntos sa pangunguna ni James, na meron ding walong assists.

Nalampasan na ni LeBron ang dating record ni Isiah Thomas sa ikawalong puwesto sa larangan ng assists sa NBA career list.

Ang panalo ng Los Angeles ay ikatlo rin na sunod na wala si Anthony Davis bunsod ng bruised backside.

Tumulong naman si Dwight Howard na meron ding season high na 21 points at 15 rebounds para sa Lakers.

Sa kabilang dako nagmistula namang reunion ang laro ni James sa Cavs na dati niyang team at nabigyan niya ng kampeonato noon.

Muling nakasama ni LeBron ang malalapit na kaibigan mula sa Cleveland na sina Kevin Love at Tristan Thompson.

Samantala sunod na kalaban ng Cavaliers ang Clippers sa Miyerkules.

Host namana ng Lakers sa Orlando Magic sa game sa Huwebes.