Nakatakdang ipatupad ngayong araw ng mga oil companies ang record big time oil price hike sa mga produktong petrolyo sa Pilipinas sa gitna ng giyera na nagaganap sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Kinumpirma ng mga oil companies ang panibagong oil price increases na ang iba ay nagsimula kanilang madaling araw.
Ang Unioil ay may pagtaas sa kanilang Euro5 diesel na P13.15 kada litro habang P7.10 naman sa bawat litro ng gasolina epektibo alas-6:00 ng umaga.
Gayundin din naman ang Flying V na may kapareho ring pagtaas sa krudo at gasolina, habang ang kerosina naman ay P10.50 bawat litro.
Ang PTT Philippines, Petron, Caltex, Seaoil at Shell ay may katulad ding presyuhan na itataas bunsod pa rin daw ng paggalaw sa international oil market.
Ang Cleanfuel ay mas maaga naman ang pagpapatupad ng oil price hike na ipinatupad kaninang alas-12:01 ng madaling araw.
Samantala, nagbabala naman ang Department of Energy (DOE) na baka abutin pa ang lokal na presyuhan ng gasolina ng kada litro ng hanggang P86.72 habang ang krudo naman ay aabot sa P81.10 kung magpapatuloy ang global oil crisis.
Ayon kay Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr., hindi raw ito maiiwasan dahil tuloy-tuloy din ang pagtaas ng presyo ng krudo sa world market.