LEGAZPI CITY – Hindi umano nalalayo ang posibilidad na muling makapagtala ng record-high na heat index ang Virac, Catanduanes.
Ito’y matapos umabot sa 52.2 degree Celsius (°C) ang naramdamang init sa lugar na itinuturing na pinakamataas sa loob ng higit tatlong dekada ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration).
Nabatid na umabot sa 80% ang relative humidity dakong alas-2:00 kahapon, habang nasa 34 °C naman ang temperatura.
Paliwanag ni PAGASA Deputy Administrator for Operations and Services Dr. Landrico Dalida Jr., may history na ng matataas na temperatura sa Virac tuwing Mayo at Hunyo kung saan naitala ang pinakamataas sa 37.2 °C.
Aniya, mula sa Karagatang Pasipiko ang maalinsangang hangin na nagbibigay ng mataas na temperatura habang easterly winds rin ang umiiral sa Virac.
Asahan na aniya ang init ng panahon mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Abiso naman ng opisyal ang pag-inom ng sapat na tubig upang malabanan ang dehydration at magdala ng pananggalang sa init ng araw sakali namang lalabas ng bahay.