Lumikha ng bagong national record si EJ Obiena para sa Pilipinas makaraang masungkit ang kampeonato sa pole-vault competition sa Internationales Stadionfest Indoor athletics meet na ginanap sa Berlin, Germany.
Lumundag si Obiena sa taas na 5.80 meters sa isang attempt, dahilan para sirain ang sarili nitong record na 5.62m na ginawa nito isang linggo lang ang nakalipas sa Karlsruhe City sa nasabi ring bansa, kung saan nagtapos ito sa ikalimang puwesto.
Tinalo ni Obiena ang mga Aleman na sina Torben Blech (5.80m), at Oleg Zernikel (5.72m).
Isa si Obiena sa apat na Pilipinong na-qualify na sa ipinagpalibang Tokyo Olympics na gaganapin na sa Hulyo.
Maliban kay Obiena, pasok na rin sa Summer Games ang mga boksingerong sina Eumir Marcial at Irish Magno, maging ang gymnast na si Carlos Yulo.