Kahit nakabalik na sa kani-kanilang mga tahanan ang nakakaraming mga residente sa paligid ng bulkang Taal malaking problema pa rin ang pagsisimulang muli ng panibagong buhay.
Mahigit isang buwan mula nang sumabog ang Taal, simula na rin ang pagbangon ng mga residente na pinayagan nang makabalik makaraang ilagay ng Phivolcs sa alert level No. 2 ang bulkan.
Hudyat na rin ito ng malaking hamon sa mahabang recovery at rehabilitasyon sa mga lugar na napinsala ng pag-ulan ng abo mula sa bulkan.
Bagamat swerte pa ‘yong ibang mga kababayan na meron pang maayos na bahay na dinatnan, malaking problema naman para doon sa mga residente na nasira ang bahay at maging ang kanilang mga pangkabuhayan.
Ang iba sa mga nito ay mananatili pa rin sa ilang evacuation centers o kaya pansamantala munang nakikipisan sa iba nilang mga kakilala o kamag-anak.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Roselyn Libuit ang pinuno ng MSWDO, Sto. Tomas City, Batangas sinabi nito na noong kasagsagan nang pag-aalbuto mahigit sa 19,000 katao ang kanilang inalagaan.
Sa ngayon matapos alisin ang lockdown sinimulan na rin daw ng national government ang pag-asiste sa mga lumikas para sa kanilang mga livelihood programs kabilang na ang mga trainings.
Isa na rito ang cash for work program para sa patuloy na paglilinis sa kanilang mga paligid at pagkatapos sila ay suswelduhan.
“Marami na rin pong mga companies na nagpuntahan sa amin, nag-offer ng mga trainings sa laborer, training po para sa pangkabuhayan nila,” wika pa ni Libuit. “Medyo bumabalik na po sa normal ang pang-araw araw na buhay ng mga tao.”
Idinagdag naman ni Libuit na marami pa ring sobra na mga relief goods kaya ipinamahagi na nila ito sa apat na mga bayan ng Laurel, Tanauan, Agoncillo at Talisay.
Sa isa pang bayan na ang tawag ay Mataas na Kahoy na kabilang din sa nasa ilalim noong una sa 14 kilometers danger zone, mistulang wala namang pagsidlan nang pasasalamat si Rosie Aguilar ang head ng MSWDO sa naturang bayan dahil sa hindi sila iniwanan ng mga nagbigay tulong sa kanila.
Sinabi pa ni Aguilar, ang ibang natitirang evacuees ay ngayong araw ng Linggo magsisibalikan na.
Noong kainitan ng pagbuga ng bulkan nasa mahigit 160,000 katao ang inalagaan nila sa kanilang mga evacuation centers.
“Doon po sa mga naging donors sa mga tumulong po sa amin na walang sawang tumutulong sa ngalan po ng aming LGUs ng Mataas na Kahoy ay taus pusong nagpapasalamat sa inyo sa walang tigil na pagtulong sa amin, at sa inyo pong panalangin na ang aming bulkang Taal ay naging mabait na po para sa amin,” ani Aguilar sa Bombo Radyo.
Sa bayan naman ng Taal, nitong nakalipas na Biyernes ang pinakahuling mga evacuees ay bumalik na rin sa kanilang mga bahay.
Pero sinabi sa Bombo Radyo ni Raquel Ojano ang pinuno ng MSWDO ng Taal, kahit pormal na silang nagsara ngayon ng mga evacuation centers tumatanggap pa rin naman sila ng mga relief goods.
“Meron pa kasing tumatawag na mga LGUs dahil sa akala nila ay late na, hindi pa po huli masyado pa pong mahaba haba itong proseso ng recovery ng bawat isa pa,” bahagi pa ng apela ni Ojano sa pamamagitan ng Bombo Radyo.
Samantala sa Taal Volcano Island na una nang dineklara na no man’s land, meron namang narekober nitong araw ng Sabado na bangkay ng isang lalaki.
Sinasabing ito raw ay na-missing noong nakaraang buwan na dumalo lamang sa isang kasalan. Nakila ang lalaki na si Marlon Deteral.
Nakita ang katawan ng lalaki ng isang may-ari ng bangka nang bumalik sa isla at hinukay ang kanyang bangka na natabunan ng mga abo.
Ayon sa kapatid ng biktima na si Bernadeth Valenzuela, ang pagkakarekober sa bangkay ay nagkataon naman na birthday ngayong araw ng kanilang kapatid.
Nilinaw na rin naman ng mga opisyal ng lalawigan ng Batangas na ang mga apektadong residente na hindi na pinayagang makabalik ng Taal Island ay mag-antay antay muna para sa ipapatayong panibagong mga tahanan na malayo na sa panganib ng bulkan.