BUTUAN CITY – Sinimulan na ng Dinagat Islands provincial government ang kanilang recovery and rehabilitation efforts, halos isang buwan matapos ang pagsalanta ng bagyong Odette sa kanilang lalawigan.
Ayon kay provincial government spokesperson Jeff Crisostomo, muling inorganisa ni Gov. Arlene ‘Kaka’ Bag-ao ang kanilang lokal na pamahalaan sa tatlong mga clusters, ang emergency operations, recovery, at governance upang aksyunan na ang kanilang mga plano.
Ayon kay Crisostomo, magpapatuloy ang kanilang emergency operations center sa pamimigay ng mga relief at health services, habang ang recovery group ay magsisimula na rin sa paggawa ng mga plano at mga programa na naglalayon para sa muling pagpapatayo ng public infrastructure at pagbabalik sa pangkabuhayan ng kanilang mga mamamayan.
Patuloy din ang pagpapatibay sa kanilang community kitchen upang may makakain ang mga tao habang ukupado sa muling pagpapatayo ng kanilang kabahayan.
Dagdag pa ni Crisostomo, parte sa kanilang rehabilitation program ang pagsasagawa ng mga dayalogo sa mga barangays para sa housing at zoning matters.
Ito’y dahil ang kanilang recovery ay hindi lang kaugnay sa muling pagpapatayo ng mga tahanan kundi pati na sa pagtiyak sa kanilang ligtas na lokasyon, access at mga epekto sa pamumuhay at sa kanilang paligid.
Kasama sa recovery programs ang reconstruction sa mga damaged houses sa mga ligtas na lugar at resettlement sa mga pamilya na malayo na sa mga danger zones.
Habang sa governance cluster, magpapatuloy sa kanilang administrative at budgetary functions ang provincial government.