Pinaplantsa na ng mga otoridad sa New Zealand ang pagpapatuloy sa pagrekober ng mga biktimang patuloy na nawawala sa White Island matapos sumabog ang bulkan sa nasabing lugar.
Sa ibinahaging updates ng mga volcanologists, bawat araw ay tumataas ng 50-60% ang posibilidad ng muling pagputok ng bulkan.
Walo sa 47 na biktima ay kumpirmadong nasawi habang walo pa ang hinihinalang patay.
Ayon kay Deputy Police Commissioner Mike Clement, napagkasunduan ng mga kapulisan na ipagpatuloy ang paghahanap sa mga biktima kahit pa may naka-ambang panganib.
Aniya, inaasahan nila na hindi magbabago ang sitwasyon sa isla. Unang sasabak sa recovery operation ang walong specialists mula New Zealand Defence Force.
Dagdag pa ni Clement na gagawin ng kaniyang pwersa ang lahat ng kanilang makakaya upang marekober ang lahat ng bangkay sa isla.
Patuloy naman na umaasa ang pamilya ng mga biktima na maisasalba pa ang bangkay upang mabigyan ang mga ito ng disenteng burol at libing.