-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Inaayos na ang mga recovery plans para sa sektor ng turismo sa Cordillera Administrative Region na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jovi Ganongan, OIC-Regional Director ng Department of Tourism (DOT)-Cordillera, sinabi niyang nakipag-ugnayan ang ahensiya sa lokal na pamahalaan ng Baguio City para sa mga planong isasagawa pagkatapos ng enhanced community quarantine.

Aniya, ihahayag sa publiko ang mga isasagawang plano kapag naipinal na ang mga ito.

Gayunpaman, sinabi ng opisyal na kapag natapos na ang ECQ ay hindi agad-agad magsasagawa ng promotion ang DOT para sa iba’t-ibang tourist destinations sa Cordillera.

Ipinaliwanag ni Ganongan na kailangang isagawa muna ang “confidence building” para matiyak na ligtas ang mga turista mula sa nakamamatay na virus.

Idinagdag ng opisyal na magdidisenyo ang DOT ng mekanismo para makabangon ang sektor ng turismo sa rehiyon at magsasagawa ang kagawaran ng tourism training kapag bumalik na sa normal ang sitwasyon.