Nasa 50 porsyento ang recovery rate ng Philippine National Police (PNP) sa kanilang personnel na nag positibo sa Covid-19.
Batay sa huling datos na inilabas ng PNP, nasa 298 police na ang kumpirmadong nag positibo sa Covid 19, kung saan 147 ang naka-recover o nasa 49 percent.
Ito’y mahigit doble sa recovery rate ng buong bansa na nasa 23 porsyento base sa huling datos na inilabas ng Department of Health (DOH) kahapon na may naitalang 15,049 na kaso ng Covid 19 sa buong bansa kung saan 3,506 ang naka-rekober.
Ayon kay PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa, maaga palang ay nagpatupad na ang PNP ng mga hakbang para mapangalagaan ang kanilang hanay sa banta ng Covid 19.
Bago nagkaroon ng sariling Covid testing facility, gumawa ng kanilang sariling quarantine facility ang PNP sa loob ng Camp Crame para sa mga pulis na posibleng may Covid 19.
Una naring sinabi ni Gamboa na mahalagang masiguro ang kalusugan ng mga pulis upang epektibo nilang maipatupad ang ipinaiiral na quarantine measures ng pamahalaan.
Samantala, para matiyak ang kaligtasan laban sa pagkahawa sa COVID-19, itinalaga rin ng Philippine National Police ang kanilang Multi-Purpose Center (MPC) bilang isolation ward ng mga PNP personnel na mga nag-duty sa quarantine facilities.
Ito ay sakaling may mag-quarantine na miyembro ng medical reserve force o MRF at Reactionary Standby Support Force o RSSF na na-assign sa PICC stepdown facility at ULTRA quarantine facility.
Layon ng pag-quarantine sa mga nag-duty na MRF ar RSSF ay upang hindi sila makahawa sa kanilang pamilya dahil naging frontliner sila sa mga nag-quarantine o pasyente sa mga nabanggit na pasilidad.
Sa record, 22 RSSF ang naka-assign sa ULTRA habang 37 RSSF ang nagse-secure sa PICC quarantine facility habang 26 MRF at 20 RSSF ang nag-a-assist sa mga pasyente sa nasabing pasilidad.