Ipinag-utos na ngayon ng local government of Batangas City na ihinto ang recreation activities sa Isla Verde dahil pa rin sa pangamba ng mga local government units (LGUs) sa oil spill mula sa lumubog na MT Princess Empress sa Oriental Mindoro.
Ayon kay City Environment and Natural Resources Officer Oliver Gonzales, apektado na rin daw kasi ang kalidad ng mga karatig na karagatan.
Nagsagawa na rin daw ang mga otoridad ng pagsusuri para malaman kung hanggang saan ang lawak ng contamination.
Sinabi ni Gonzales na ang oil slick ay umabot na sa tatlong barangay sa naturang lungsod.
Kahapon lamang nang kumpirmahin ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakaabot na ang oil spill sa Verde Island.
Ang Verde Island ay matatagpuan sa Verde Island Passage na world’s center of marine biodiversity.
Ito ay matatagpuan sa pagitan ng Batangas at Mindoro na napakahalagang breeding ground para sa ilang marine organisms.
Samantala, sinabi naman ni Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz na mas maraming residente na sa kanilang lugar ang nagkakasakit dahil sa oil spill debris.
Nakolekta ang mga ito sa clean-up operations at nakatengga lamang sa pick-up points.
Sa ngayon pumalo na raw sa 200 ang bilang ng mga residenteng apektado ng oil spill.
Dagdag ng alkalde, nagsimula na rin sa kanilang operasyon ang remotely operated vehicle (ROV) mula sa bansang Japan para ma-assess ang sitwasyon sa lumubog na motor tanker.
Kung maalala, ang motor tanker na Princess Empress ay may kargang 900,000 liters ng industrial fuel oil noong ito ay lumubog dahil sa malakas na alon noong Pebrero 28.
Ayon sa Philippine Coast Guard, ang motor tanker ay lumubog at nasa lalim itong 400 meters na masyadong malalim para maabot ng mga divers.