Prayoridad ngayon ng pambasang pulisya na mabuo ang limang batalyon ng PNP Special Action Force (SAF), batay na rin ito sa naging direktiba ni Pang. Rodrigo Duterte sa PNP.
Ayon kay PNP Directorate for Records and Management chief, Dir. Rene Aspera nasa 1,400 na ang na-recruit ng PNP para maging bahagi ng elite force ng pambansang pulisya.
Nasa 500 naman sa ngayon ang isinailalim na sa processing ang kanilang mga papeles.
Sinabi ni Aspera, 2,000 mga indibidwal ang kanilang kakailanganin para mabuo ang limang batalyon, kung kayat nagpapatuloy ang kanilang recruitment.
Kinumpirma din ni Aspera na kanila munang isinantabi muna ang regular recruitment nila sa nga PO1 hangga’t hindi napupunan ang kailangan ng SAF.
Giit ng opisyal, matagal na itong plano ng PNP, ngunit naging priority na lamang ito ng pangulo dahil sa nangyari sa Marawi City.
Sa kabuuan ay dapat maka recruit ang PNP ng nasa 15,000 na bagong pulis kada taon.
Dahil nasa 5,000 dito ay mga nagreretiro, may namamatay at natatanggal sa serbisyo at 10,000 naman ang regular quota ng mga PO1.