CENTRAL MINDANAO-Pinatitigil ngayon ng pulisya ang pangrerecruit ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa probinsya ng Cotabato.
May kampo umano ang MNLF at ilegal ang kanilang recruitment activity sa Brgy Poblacion Magpet Cotabato.
Unang naaresto ng Magpet PNP sa pamumuno ni Captain Rolando Dillera ang mag-asawang MNLF na nakilalang sina Lito Andi, 44 anyos at asawa nitong si Michelle Baya Andi at nakatira sa Purok Mahayahay Poblacion, Magpet Cotabato.
Nagpatupad ng Search Warrant ang pinagsanib na pwersa ng Magpet PNP katuwang ang 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa bahay ng mga suspek.
Narekober ng raiding team sa loob ng tahanan ng mga suspek ang isang homemade M16 Armalite rifle,isang m203 grenade launcher at isang pakete ng shabu.
Matatandaan na una nang pinatawag ng LGU-Magpet ang mag-asawa dahil sa pangrerecruit para pumasok sa MNLF.
Dagdag ni Dillera, umabot na sa 200 ang kanilang na recruit sa bayan ng Magpet.
Sinabihan mismo ni Magpet Mayor Florentino Gonzaga ang mag-asawa na itigil ang recruitment activity dahil wala naman silang maipakita ng dokumento sa mga otoridad.
Nabatid na isang maliit na kubo malapit sa bahay ng mag-asawa ang ginagawang headquarters ng nasabing grupo at may mga duty-officers din umanong nakabantay sa sinasabing kampo na may nakasabit na bandila ng MNLF.
Narekober rin ang mga kahoy nab aril na siya umanong ginagamit ng mga nagpakilalang MNLF sa pagsasanay sa mga bago nilang recruit