BANGKOK – Naniniwala si Trade Sec. Ramon Lopez na hindi na dapat pag-usapan sa ASEAN Summit ang nangyaring pagbangga ng Chinese vessel sa bangka ng mangingisdang Pilipino sa Recto Bank na nasa West Philippine Sea.
Sa panayam sa Bangkok, sinabi ni Sec. Lopez na hindi naman daw sangkot rito ang gobyerno ng Pilipinas kundi nangyari sa pagitan ng dalawang pribadong bangka.
Ayon kay Sec. Lopez, hindi pa malinaw ang tunay na istroya sa insidente at mas mabuting imbestigahan muna ito kung sadya o aksidente lamang.
Inihayag pa ni Sec. Lopez na huwag iugnay sa insidente ang mga gobyerno at hindi naman Navy ship ang bumangga sa bangka ng mga Pilipino.
“Off hand, kung ako ang tatanungin mo, baka hindi, kasi hindi involved yung government sa aksidente eh. Dalawang boats ng private fishermen. Dalawang boats ng private fishermen. Saka unang-una, hindi natin alam kung ano ang storya dun. Ang importante maimbestigahan muna kung intentional, hindi intentional, at saka dalawang private groups naman sila. Hindi naman government. Kaya siguro mahinahon lang tayo dapat dito. Huwag natin iinvolve ang mga government at tingnan talaga kung ano yung nangyari. More of that eh, mag investigate na lang,” ani Sec. Lopez.