TUGUEGARAO CITY – Pagpapakita umano ng pambubusabos at pagwawalang-hiya sa ating bansa ang ginawang pagbangga at pag-abandona ng Chinese fishing vessel sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino sa bahagi ng West Philippine sea.
Ayon kay Congressman Carlos Isagani Zarate ng Bayan Muna Party-list, hindi na pakikipagkaibigan ang intensyon ng China kundi pagpapakita ng kawalan ng respeto sa ating soberanya.
Dahil dito, kinokondena ng bayan muna maging ng buong Makabayan bloc ang ginawa ng mga mangingisdang Tsino maging ang pananahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa usapin.
Nakakapanggalit aniya ang nakakabinging katahimikan ng pangulo gayong buhay na ng mga Pilipino ang nakasalalay.
Kaugnay nito, nanawagan si Zarate na dapat ipaglaban ng mga namumuno sa bansa ang karapatan ng Pilipinas.
Dapat aniya ay tulungan ang mga biktimang mangingisda na magsampa ng kaso laban sa mga mangingisdang Chinese para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga ito.
Bukod dito, dapat din daw ipanawagan ng Pilipinas sa China na isuko ang kanilang mga mangingisda na nagtangkang pumatay sa ating mga mangingisda para harapin ang kanilang ginawa.