-- Advertisements --

Nilinaw ng Malacañang na hindi minamaliit ng Duterte administration ang insidente sa Recto Bank kung saan binangga ng Chinese vessel ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino.

Una ng inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang nangyari ay isang maliit na maritime incident lamang at hindi dapat palakihin o palalain ang problema.

Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, kaya lamang tinawag na “little maritime incident” ay dahil hindi pa ito masasabing “state-sanctioned” o may basbas ang Chinese government.

Ayon kay Sec. Nograles, hindi minamaliit ng gobyerno ang pangyayari pero hindi ito kaso ng Philippine government laban sa Chinese government.

Batay umano sa resulta ng inisyal na imbestigasyon, maituturing na “allision” ang insidente kung ang isang nakaangklang bangka ay binangga ng isang sea vessel na naglalayag.

Kagabi rin, inihayag ni Pangulong Duterte na hindi niya papayagang mauwi sa giyera ang isang simpleng maritime incident.

Kaya inatasan nito ang Philippine Navy na umiwas sa isyu at huwag makialam.