NAGA CITY – Itinaas ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur ang Red Alert Status kaugnay ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Sa Memorandum na nilagdaan ni Gov. Migz Villafuerte, nakasaad dito ang pag-atas sa lahat ng lungsod at mga bayan sa lalawigan na i-activate ang kanilang 24/7 Emergency Operation Centers (EOC) para matiyak ang kahandaan at pagresponde na kinakailangan.
Kailangan din umano na onboard ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Provincial, Municipal at City Health Office.
Nakasaad pa sa nasabing kautusan ang pag-monitor lalo na sa mga hotspot gaya na lamang ng mga simbahan, plaza, parke, highway at iba pang mga lugar.
Gayundin ang pagmonitor sa mga establisyimento na nagpapabili ng mga paputok upang matiyak na mayroon ang mga ito ng mga kaukulang dokumento.
Samantala, ibinandera rin ang Code White Alert Level sa lahat ng Rural Health Units (RHU) maging sa mga provincially managed hospitals at health facilities sa naturang lalawigan na epektibo simula Disyembre 16, 2020 hanggang Enero 5, 2021.
Lahat din ng Emergency Service, nursing and administrative personnel, ang dapat na on board para sa agarang mobilisasyon sa pag-responde sa anumang uri ng medical emergency situation sa mga ospital maging sa mga Rural Health Unit.
Magsasagawa rin ng paghahanda at paglilibot para matiyak ang sapat na medical supply maging ang pagtiyak sa mga personnel na magbibigay ng emergency care sa mga maaaring mabiktima ng mga paputok gayundin sa anuman na uri ng medical emergency na maaaring maitala.
Dagdag pa dito ang pagsusumite ng daily report ng mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC’s) maging ng lahat ng Rural Health Units (RHU) gayundin ang mga provincially managed hospitals at health facilities sa naturang lalawigan.