-- Advertisements --
wesmincom

Mga teroristang Abu Sayyaf ang tinitignang posibleng nasa likod ng panibagong pagsabog sa probinsiya ng Sulu kung saan tatlong sundalo ang nasawi habang siyam ang sugatan.

Ayon kay Wesmincom Spokesperson Maj. Arvin Encinas naganap ang pagsabog bandang alas-12:00 ng tanghali sa kampo ng 1st Brigade Combat Team sa may Barangay Tanjung, Indanan, Sulu.

Ang 1st Brigade Combat Team ay bagong buong unit ng Philippine Army at kararating lamang sa probinsiya para tapusin ang teroristang grupo.

Iniimbestigahan na ngayon ng militar at pulisya sa Sulu ang insidente at kung sino ang nasa likod ng pagsabog bagamat ang Abu Sayyaf ang itinuturing na suspek.

Sinabi ni Encinas ongoing din ang hot pursuit operations ng mga sundalo para maaresto ang mga suspek.

Itinuturing naman ng militar na isang terroristic act ang nangyaring pagsabog.

Ikinalungkot naman ng militar ang pagkasawi ng kanilang tatlong kasamahan habang sumasailalim na sa medical treatment ngayon sa military hospital ang siyam na sugatan.

Epektibo ngayong araw nasa red alert status ngayon ang buong Western Mindanao, kasunod ng pagsabog sa Sulu.

Direktiba ng bagong talagang Wesmincom commander na si MGen. Cirilito Sobejana sa lahat ng mga ground commanders nito na palakasin ang seguridad sa kani-kanilang mga kampo.

Ayon kay Encinas posibleng maglunsad muli ng mga pagsabog ang mga teroristang grupo at maging ang mga teroristang BIFF.

Samantala, sa report naman ng Sulu Police Provincial Office kay PNP Chief PGen. Oscar Albayalde, dalawang malakas na pagsabog ang narinig sa mula kampo ng 1st Brigade Combat Team na agad naman rumisponde ang mga pulis para tulungan ang mga sundalo.

Sa inisyal na imbestigasyon nagsasagawa ng checkpoint ang mga sundalo sa lugar at kanilang pinara ang isang sasakyan na umano sakay ang isang grupo ng mga bandido.

Dito na nagkaroon ng pagsabog na nagresulta sa sagupaan.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Bernard Banac, tumigil na ang sagupaan habang nagsasagawa ngayon ng blocking operations ang pwersa ng mga pulis sa lugar.