Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng Energy Regulatory Commission sa power outages ng ilang generation company sa bansa.
Ito ay nagresulta kase sa pagsasailalim ng National Grid Corporation of the Philippines sa Luzon at Visayas Grid sa Red at Yellow Alert kamakailan.
Sa isang pahayag, sinabi ni ERC Chairperson at CEO Monalisa Dimalanta na kanilang kinililala na may malawakang epekto ito sa kasalukuyang power plant outages pagdating sa integridad at pagiging maaasahan ng mga grid na nabanggit.
Magsasagawa rin ng imbestigasyon ang ERC dahil sa mga ulat ng mga apektadong stakeholders.
Layon ng hakbang na ito na matukoy ang naging sanhi ng naturang sunod-sunod na power plant outages.
Sa kasalukuyan, sinisilip na ng ERC kung may mga naging paglabag ba ang mga generation company partikular na sa kanilang protocols.
Ayon sa ahensya, sa sandaling mapatunayan na may naganap na kapabayaan ay papatawan nila ito ng kaukulang mga sanction.
Samantala, kinumpirma ng Komisyon na patuloy ang kanilang pakikipaugnayan sa Department of Energy, mga generation company, maging sa NGCP upang malaman ang kasalukuyang suplay ng kuryente sa bansa.
Iginiit ni Chairperson Dimalanta ang kahalagahan ng matatag at sapat na power supply sa bansa.
Ito ay upang maibigay ang pangangailangan ng mga konsyumer nito.
Kaugnay nito, inatasan na ng ERC ang mga power plant operator na magsumite ng kaukulang timeline para sa pagbabalik operasyon ng mga ito.