Maraming available na legal na aksyong pwedeng gawin ang pamahalaan para maaresto at mapanagot si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Presidential Anti Organized Crime Commission o PAOCC spokesperson DR. Winston John Casio na inaasahan nilang magpapalabas sa susunod na buwan ang dept of justice ng resolusyon para sa paghahain ng qualified human trafficking case laban kay Guo.
Kapag naihain aniya ito ay magpapalabas na ng arrest warrant laban kay Guo na isang triggering mechanism aniya para makakuha ang pamahalaan ng red notice mula sa international police o interpol.
Pwede rin aniya ang pagsusulong ng pamahalaan ng extradition process laban kay guo kung ang bansang kinaroroonan niya ngayon ay mayroon tayong extradition treaty.
Pero bago ito, kailangan muna aniyang makansela ang pasaporte ni guo para matanggalan siya ng karapatang makabiyahe, maaresto siya at ma hold sa kinaroroonan niyang bansa at ibalik dito sa Pilipinas.
Samantala, inihayag din ng PAOCC official na posibleng mayroong nagpabaya kayat nakalabas ng bansa si Guo.
Kaugnay nito, sinabi ni Casio na ilang mga ahensiya na sa kanilang task group ang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil dito at sa mga susunod na araw aniya ay inaasahang makakabuo na sila ng konkretong kasagutan kung paano nakalabas ng bansa si Guo o kung hindi ay magiging katatawanan aniya tayo sa ating mga karatig na bansa sa ASEAN.
Ilan sa tinukoy ng PAOCC official na 3 posibleng exit point ni Guo ay ang pinakahilagang bahagi ng Luzon, ikalawa sa pinaka-kanlurang bahagi ng Luzon at ikatlo sa , eastern, at Mindanao backdoor exit.